Monday, May 16, 2011

Sulat para kay Inay

Sa Nanay ko..on Wednesday, May 11, 2011 at 11:27pm

nay,

alam ko hindi mo na ito mababasa pero gusto ko pa ring isulat kung paano mo ipinakita o hindi ipinahalata yung pagmamahal at pagiging proud mo sa akin at sa mga kapatid ko.

ikaw yung pinakamalakas tumawa sa inyong magkakapatid, yung maraming nasasabi sa isang isyu, yung lahat ng pangyayari sa mga kapitbahay alam na alam mo. ikaw yun. minsan sinasabihan ka na namin na huwag ng pansinin yung mga kapitbahay natin pero ipapasok mo lang yun sa isang tenga tapos lalabas naman sa kabila.

tuwang-tuwa ka kahit na anong bagay ang ipasalubong sayo, yung araw-araw na sampaguita at isang pirasong rose na uwi ni tatay tuwang-tuwa ka na. dahil paborito mo yung RC, pag nag-uuwi si kuya abel ng isang case na dapat para sa mga kapitbahay natin, syempre galak na galak ka kase iniisip mo na agad yung mga itatago mong bote at kung paano namin na hindi makikita ang pag-inom mo ng softddrinks. pag naman umuuwi ako galing sa ibang probinsya, tinitignan mo agad kung ano ang uwi kong pagkain. magrereklamo ka kapag hindi mo gusto yung uwi ko pero ang ending kakainin mo pa rin.

kahit na madalas nagtatalo tayo, alam ko likas naman akong rebeldeng anak, maka-kontra lang sa lahat ng bagay gagawin ko, kahit na ganun ako yung damit ko hinddi mo pa rin kinakalimutang itupi. yung pagkain na gusto ko pag nasa bahay ako yun ang nakahain.

pag naman kailangan ko ng pera dahil sa trabaho, ipanghihiram mo ako kahit na dis-oras na ng gabi.

nay, ako yung sa mgakakapatid na hindi magsasabi sayo ng personal na problema. pero may isang pagkakataon noong ako ay college pa na sobra yung problema ko, alam ko gusto mo akong tanungin nun pero ok na yung isang hagod sa likod na ginawa mo, kasde alam mo naman na hindi ako magsasabi ng kahit na ano. hanggang ngayon nakatatak yun sa isip ko. tuwing naaalala ko yun, gustong tumulo na lang ng mga luha ko.

nay, kung hindi man ako naging ganun kabuting anak sa inyo, pasensya na. sa mga sakit sa loob na ibinigay ko sa inyo, sa mga panahon na nagtatalo tayo, sorry po. miss na talaga kita nay.

dati alam ko, kahit na gaano ako katagal mawala sa bahay pagbalik ko andun lang kayo ni tatay. sana nay, nung huling hinawakan ko yung kamay mo sana alam mo na kamay ko yun. nay, sinundo ko lang nun si kuya roldan hindi mo kami hinintay bago ka nagpaalam.

nag-iisa ka lamang na nanay namin, pero hindi lang kaming mga anak nyo ang inalagaan nyo. pati yung responsibiliddad ng iba minsan inaako mo na rin. hindi lang ako o ang mga kapatid ko ang nakakaalala sayo, kundi pati yung ibang tao na nabahaginan mo ng pagkatao mo.

nay, salamat po sa lahat.

0 comments:

Post a Comment